Martial law na nga ba sa Metro Manila?
Ito ang kuwestiyon ng mga progresibong militanteng grupo kasunod ng naka takdang pagde-deploy muli ng mga tauhan ng AFP-National Capital Region Command (AFP-NCRCOM) ng daan-daang mga sundalo sa 14 kritikal na lugar partikular na sa mga slum areas sa Metro Manila sa loob ng linggong ito.
Ito’y matapos ang pagpapatupad ng anti-terror law nitong linggo upang durugin ang mga teroristang grupo at mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na nagkakanlong at nagre-recruit sa mga slum areas sa Kamaynilaan.
Nauna nang pagpapakalat ng may 100 tropa ng militar sa Quezon City at Taguig City na inayunan naman ng mga opisyal sa nabanggit na mga lungsod.
Ayon kay AFP-NCRCOM Chief, Major Gen. Ben Dolorfino, ang desisyon ay alinsunod sa kahilingan ng mga opisyal ng barangay na nais ang presensya ng mga sundalo sa Metro Manila. Sinabi nito na sa kasalukuyan ay isinasapinal na ang pagpapakalat muli ng tropa ng militar kung saan nakikipag-ugnayan na sila sa mga alkalde ng lungsod.
Sinabi ni Dolorfino na ang mga sundalo ay ide-deploy sa 14 pang lugar sa Maynila upang tumulong sa pagbibigay seguridad sa mga residente nito matapos namang maisapinal na ang anti-terror law noong linggo.
“Sinigurado nating ito ay may consent ng city mayors. Sinigurado natin yan pati sa PNP, we made sure coordinated yan down to the station level,” dagdag ni Dolorfino.