Kinumpirma na kahapon ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na si Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Roberto Rosales ang bagong uupo bilang hepe ng Manila Police District (MPD).
Ayon kay Deputy Director Gen. Avelino Razon Jr, deputy chief for administration ng PNP, nag-isyu na si PNP chief Director Gen. Oscar Calderon ng order of transfer kay Rosales mula sa SPD na ilipat sa MPD.
Bukod dito, iniutos din ni Calderon kahapon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Deputy Director Gen Reynaldo Varilla na makipag-usap na kay Manila Mayor Alfredo Lim at MPD acting director Sr. Supt. Danilo Abarsoza para magsagawa na ng turn over of command kay Rosales bilang bagong hepe ng MPD, si Rosales ay kasalukuyang nakabakasyon sa Estados Unidos at orihinal na nakatakdang dumating sa Hulyo 19 ng taong ito subalit inaasahan na mas aagahan nito ang pagbabalik at inaasahang sa Hulyo 15 darating sa bansa para sa gagawing “turn over of command:”
Samantala kinumpirma din ni Razon na si Sr. Supt. Nilo dela Cruz ang papalit kay Rosales bilang hepe ng SPD, at inaasahang ang assume of command ngayong araw na ito.
Mababatid na una ng inilabas sa pahayagang ito na si Pangulong Arroyo mismo ang pumili kay Rosales para umupo bilang MPD chief bago pa man ilabas ng Sandiganbayan ang desisyon sa kasong plunder na kinasasangkutan ni dating Pangulong Joseph Erap Estrada at dahil ang MPD ang unang linya ng depensa ng Malacanang sakaling magsagawa ng kilos protesta ang ibat-ibang militanteng grupo ay nakakasigurado ang Pangulo na magiging maayos ang pamamalakad ng kaayusan ni Rosales. (Edwin Balasa)