Isa ang agad na nasawi, habang pito naman ang malubhang nasugatan makaraang araruhin ng rumaragasang kotse ang isang L-300 van na kinalulunan ng mga biktimang construction worker, kahapon ng umaga sa South Luzon Expressway, Parañaque City.
Hindi na umabot pa ng buhay sa South Luzon Medical Center sanhi ng pagkabasag ng bungo ang biktimang si Maynard Baldo, 19, habang kasalukuyan namang ginagamot sa nabanggit ding pagamutan ang mga kasamahan nito na sina Dennis Baldo, 19; Rommel Buenafe, 22; Glenn Tabing, 21; Jayson Tabing, 21; Wilfredo Bautista Jr., 20 na pawang mga residente ng Brgy. Naglabrahon, Guimba, Nueva Ecija at ang driver ng sinasakyan ng mga ito na van na may plakang TGN-515 na si Sabas Canete na residente naman ng San Miguel, Baras, Rizal.
Batay sa ulat ni P03 Joselito Quila ng SLEX Police Detachment, dakong alas-6:15 ng umaga nang mangyari ang insidente makaraang pumutok ang gulong sa harapan ng nasabing van sa tapat ng Respo Phedic, Sitio Pagkakaisa, nabanggit na lungsod at dahil dito ay nagsibabaan ang mga sakay na mga biktima para tulong-tulong na palitan ang sumabog na gulong.
Sa puntong ito ay biglang dumating ang rumaragasang Lancer na kotse na may plakang XKS-390 na minamaneho ng isang Hapones na kinilalang si Masami Lim Nakai, ng Ponchita St., Tahanan Village, Parañaque City at inararo ang nasabing van na naging sanhi ng sabay-sabay na pagkakatilapon ng mga biktima na nagresulta sa pagkasawi ni Maynard.
Napag-alaman na ang mga biktima ay kagagaling lamang sa Sta. Rosa, Laguna at nag-overtime sa isang proyekto ng kanilang kompanya at papauwi na sana nang mangyari ang nasabing insidente. Ikinatwiran naman ni Masami sa pulisya na nawalan umano ng preno ang kanyang kotse dahilan upang hindi na niya ito na-kontrol pa hanggang sa ito ay sumalpok sa nasabing van. (Rose Tamayo-Tesoro)