Nakaalerto rin ang mga bumbero sa pagbubukas ng mga klase sa mga paaralan mula sa Lunes at tututukan nila rito ang mga sigarilyo, bentilador at computer na pinagmumulan din ng mga sunog.
Sinabi kahapon ng Bureau of Fire Protection na karaniwang sa sigarilyo at nag-o-“overheat” na bentilador at computer nagsisimula ang sunog sa mga dormitoryo at boarding house.
Sa isang panayam sa radyo, nanawagan si BFP Director for Operations Senior Superintendent Carlito Romero sa mga estudyanteng nanunuluyan sa mga boarding house at dormitoryo na iwasang maiwang nakabukas ang mga electrical appliances na tulad ng bentilador at computer lalo na kung gabi.
Idiniin niya na isa sa pangunahing dahilan ng sunog ang bentilador na napabayaang nakabukas nang napakatagal at nasobrahan sa init.
Nagbabala rin si Romero sa paninigarilyo sa loob ng mga dormitoryo at boarding house dahil isa rin ito sa pinagmumulan ng sunog.
Bukod dito, pinaalalahanan niya ang mga estudyante na huwag pabayaang nakabukas nang magdamag ang mga computer dahil nag-iinit din ito at ang voltage regulator nito.
“Lumilikha ng init ang computer na may voltage regulator. Ilayo ito sa mga papel at huwag panatilihing bukas nang magdamag,” sabi pa niya.
Sinabi pa niya na ang mga boarding house at dormitoryo ay dapat merong mga smoke detector na gumagana para mabalaan ang mga naninirahan dito sa panganib ng sunog.