Lalaki lasog sa cargo truck
Dead-on-arrival sa Parañaque Community Hospital ang isang 43- anyos na lalaki makaraan mabundol at kaladkarin ang kanyang minamanehong motorsiklo ng isang cargo truck kahapon ng madaling araw sa lungsod ng Parañaque.
Kinilala ang biktimang si Rudy Grandia Mulberry ng Camella Homes Sucat, Parañaque City sanhi ng pagkakabasag ng bungo at pagkakabali-bali ng buto.
Sa isinagawang imbestigasyon, naganap ang trahedya dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa Dr. A. Santos Avenue, harap ng Green Heights Subdivision, Brgy. San Isidro ng nasabing lungsod habang minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklong Yamaha na may plakang TL-8907 at tinatahak ang kahabaan ng Dr. A Santos Avenue at nag-U-turn sa harap ng Greenheights Subd.
Sa puntong ito, nagkataon nakasalubong ng biktima ang rumaragasang Fuso Cargo Truck na may plakang URM-243 na minamaneho naman ni Michael Mungcal, 38, ng Floridablanca, Pampanga. Dahil biglaan ang pagsulpot ng motorsiklo, hindi nakontrol ni Mungcal ang manibela ng cargo truck at nabundol ang ang biktima.
Sa lakas na pagkakabundol, magkasamang kinaladkad ang motorsiklo at ang biktimang si Grandia ng may ilang metro ang layo. Halos madurog ang bungo at nagkabali-bali ang buto ng biktima. Agad namang sumuko sa pulisya ang driver ng truck matapos ang insidente. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending