Hindi umubra ang ibinigay na rekomendasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na hepe ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos na palitan ito dahil sa umano’y paglabag nito sa panuntunan ng Civil Service Commission (CSC) sa kakulangan ng eligibility nito.
Natapos ang pamumuno bilang hepe ng BJMP kahapon ni C/Supt. Armando Llamasares makaraang magwakas ang 60 araw na “temporary restraining order (TRO)” na isinampa nito sa Court of Appeals. Awtomatiko naman na papalit sa puwesto nito si C/Supt. Clarito Jover, ang dating Deputy for Administration ng BJMP.
Base sa rekord, nakaupo si Llamasares bilang hepe ng BJMP matapos na makakuha ng rekomendasyon buhat kay Pangulong Arroyo at ideklara ni Department of Interior and Local Government Undersecretary for Public Safety Marius Corpus base sa isang memorandum.
Nagsampa naman ng kaso si Jover laban kay Llamasares sa Quezon City Regional Trial Court ng kasong falsification of public documents at graft dahil sa pag-upo nito sa puwesto bilang hepe ng BJMP sa kabila na wala umano itong third level civil service elegibility at sobra na sa edad na 56-anyos.
Nagpalabas naman ang korte ng desisyon na ilegal ang pag-upo ni Llamasares at inatasan si Jover na siyang manungkulan bilang hepe ng BJMP. Sa kabila nito, umapela naman ng kampo ni Llamasares sa Court of Appeals na nagpalabas ng TRO.
Nagpadala naman ng liham si CSC Chairperson Karina Constantino David kay Pangulong Arroyo na inihahayag ang umano’y paglabag ni Llamasares sa Professionalization Act of 2004 at ang R.A. 9263 kung saan nakasaad: “Any personel of the BFP and the BJMP shall not be eligible for promotion to a higher rank unless he/she has met the minimum qualification standard or the appropriate civil service eligibility set by the CSC”.
Nanawagan naman si Jover sa mga “junior official” ng BJMP na sana’y hindi makaapekto ang nagaganap na kaguluhan sa mga matataas na opisyal at magpatuloy sa kanilang serbisyo sa publiko. (Danilo Garcia)