Our ace in tourism

Kapwa nasawi  ang  isang negosyanteng Tsinay at ang tsuper nito matapos na pagba­barilin ang mga ito  ng anim na mga hindi nakikilalang mga kalalakihan habang  sakay  ang mga ito ng dalawang motorsiklo kahapon ng umaga sa lungsod Caloocan.

Parehong nasawi habang nilalapatan ng lunas sa  Manila Central University (MCU) Hos­pital sanhi ng tinamong mga tama ng bala  ang mga bikti­mang sina Teresita Li-Chua, 54, biyuda at Secretary ng Manila Plastic Company ng #47 C-Atis Road, Governor Pascual, Ma­labon City at driver nitong si Romeo Romolin y Castillo, 39- anyos, #164 General Simon St., Caloocan City.

Ayon kay P/Chief Insp. Do­mingo Alminiana, team leader ng Scene of the Crime Opera­tives (SOCO) ng Northern Po­lice District (NPD) naganap ang insidente dakong alas- 9:35 kahapon ng umaga, lulan ang mga biktima ng kulay green na Sport Runner na Toyota Revo na may plakang WEN -666.

Tinatahak ng mga biktima ang kahabaan ng General Simon St., sa Caloocan City ng harangin ang mga ito ng dala­wang motorsiklo lulan ang  tig-tatlong mga suspek at pina­ulanan ng putok ang sasakyan ng mga biktima.

Sa inisyal na report, posib­leng balak holdapin ng mga suspek ang biktima, subalit na­alarma at tumakas na lamang ang mga suspect dahil sa dami ng tao sa lugar.

Habang isinusulat ang ba­litang ito ay patuloy pa rin ini­imbestigahan ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa natu­rang insidente. (Lordeth Bonilla)

Show comments