Isang kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang hindi pa nakikilalang babae nang matagpuan itong tadtad ng saksak at sinunog ang katawan sa loob ng inuupahan nitong bahay kahapon ng umaga sa lungsod Caloocan.
Base sa paglalarawan ng pulisya, ang biktima ay tinatayang nasa edad na 30-35, may taas na 5’4’’, kulot ang itim na buhok, pansamantalang nangungupahan #2235 Avocado St., Area D, Camarin ng nabanggit na lungsod.
Mabilis namang tumakas ang suspect matapos ang isinagawang krimen.
Ayon sa imbestigasyon ni PO3 Generoso Rosales, ng Station Investigation Branch (SIB), Caloocan City Police, dakong alas-10 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob mismo ng inuupahan nitong bahay sa naturang lugar.
Nabatid kay Rosa Soliveros, kapitbahay ng biktima, nakarinig siya ng isang malakas na sigaw ng isang babae na parang humihingi ng tulong, na nagmumula sa inuupahang bahay ng biktima. Ngunit hindi umano niya ito pinansin sa hinalang natural lang na magkaroon ng konting sigalot ng magkakasama sa bahay.
Hanggang sa tuluyang tumahimik at makalipas ang isang oras nang mapansin umano niya ang paglabas ng isang hindi nakikilalang lalaki mula sa bahay ng biktima.
Dito, agad na naki-usyoso si Soliveros sa bahay ng biktima at sinubukang kumatok subalit wala umanong sumasagot kaya’t tinangka nitong itulak ang pinto ngunit naka-lock ito sa loob.
Dahil duda si Soliveros, humingi ito ng tulong sa ilang kapitbahay at pilit na binuksan ang pinto ng bahay at laking gulat ng mga nakasaksi nang mabuksan at mabungarang may mga usok pa mula sa nasusunog na mga damit na itinambak sa bangkay ng biktima na tadtad din ng saksak sa leeg at iba’t ibang parte ng katawan.
Ayon pa kay PO3 Rosales, halos ilang araw pa lamang umanong nakakalipat ang biktima sa inuupahang bahay kaya’t hindi pa ito gaanong kilala ng kanyang mga kapitbahay at hinihinalang may matinding galit ang suspek sa babae dahil sa pamamaraan ng ginawang pagpatay dito.
Patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at kung sino ang lalaking salarin at kung ano ang tunay na motibo nito sa pamamaslang.