Rush!
Hinihinalang sinadyang itinulak ng kanyang kasamahan ang isang 33-anyos na lalaki na natagpuan ang bangkay na lumulutang sa isang mabahong creek, kahapon ng madaling araw sa bayan ng Navotas.
Nakilala ang biktima na si Jesus Amarro Alfon, alyas Onyok, 33-anyos, may-asawa, at residente ng #201 Bienvinido street , Caloocan City.
Sumasailalim naman sa interogasyon ng pulisya si Eulogio Dalugdog na sinasabing huling nakitang kasama ng biktima na naglalakad at masinsinang nag-uusap bago nakita ang bangkay ni Alfon.
May mga residente rin ang nagsabi na nakita nilang itinulak umano ni Dalugdog ang biktima sa naturang creek sanhi ng pagkakalunod nito.
Ayon sa ulat, dakong alas-3:30 ng madaling- araw nang madiskubre ng mga residente ang bangkay ng biktima sa creek sa may Lapu-Lapu Ave., Kaunlaran Village, Navotas.
Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang mabatid ang tunay na naganap at ang motibo ng krimen kung sinadyang itinulak nga ito. Nakatakda rin namang isailalim sa awtopsiya ang biktima upang mabatid kung may iba pang dahilan ang pagkamatay nito bago ang pagkalunod. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending