Halos nabubulok na ang bangkay ng isang 42 -anyos na dentista nang matagpuan itong nakabitin kahapon ng tanghali sa Sta. Cruz Maynila.
Kinilala ang nasawi na si Dennis Marcelo, na nangungupahan sa #1815 Sta. Cruz ng naturang lungsod.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-12 ng tanghali nang matagpuan ni Jeslie Magtoto, landlady ng nasawi ang nakabiting bangkay nito.
Ayon kay Magtoto, huli niyang nakita ang nasawi noong Biyernes ng gabi matapos nitong hiramin ang kanyang wireless phone at hindi isinoli hanggang Sabado ng umaga.
Dahilan dito kaya’t nagpasya na kahapon si Magtoto na katukin ang kuwarto ni Marcelo na nasa ikatlong palapag subalit hindi ito sumasagot na kung saan ay napansin niya ang masangsang na amoy sa loob ng kuwarto.
Kaagad ipinagbigay alam ni Magtoto sa pulisya ang insidente na mabilis namang nagresponde at binuksan ang silid at dito na tumambad ang nakabitin pa at nabubulok na bangkay ni Marcelo habang nakapulupot pa sa leeg nito ang electrical cord at nakasuot pa ng sumbrelo.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya kung may naganap na foul play sa nasabing insidente dahilan sa nakasayad pa sa sahig ang paa nito sa kabila ng natagpuang suicide note sa tabi nito kung saan nakasaad dito ang pangalan ng isang pulis sa katabing kuwarto na naka-away niya noong nakaraang araw. (Gemma Amargo-Garcia)