Dahil sa panibagong pagtaas kamakailan sa presyo ng langis, nais din ng mga drayber ng mga pampasaherong dyipni na madagdagan din ang singil sa pasahe.
Napaulat sa dzBB na kokonsultahin ng grupong pangtransportasyong Pasang Masda ang mga local chapter nito para pag-usapan ang paghiling nila sa pamahalaan na payagan silang magtaas ng singil sa pasahe nang 50 sentimo. Nagpahayag umano ng pangamba si Pasang Masda President Roberto Martin na may mga kasunod pa ang pagtaas kamakalawa sa lokal na presyo ng produktong petrolyo.
Sinabi ni Martin na, kung magkakasundo sila ng kanilang mga chapter, magpepetisyon sila sa pamahalaan para sa dagdag na pasahe sa pampublikong sasakyan.