Namumutakti pa rin ng mga campaign posters sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila kahit pa man hindi na makagulapay sa paglilinis at pagkuskos sa mga ito ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Kahapon ay inamin ni MMDA chairman Bayani Fernando na bigo sila sa kanilang unang inilatag na “3 days ultimatum” para linisin ang mga kalat at basura na dulot ng katatapos lamang na halalan.
Nabatid na bagama’t may limang araw na ang nakaraan matapos ang May 14 national elections ay hindi pa rin matatawag na “poster free” partikular na ang mga tertiary at secondary route ng Metro Manila.
Bunga nito ay humingi na ng ayuda si Fernando sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan na pakilusin na rin pati ang barangay level para tumulong sa paglilinis partikular na sa mga eskuwelahan na kinasasakupan ng mga ito para mapadali ang pagbaklas ng mga streamers, banderitas at posters ng mga kandidato.
Humingi naman ng paumanhin sa publiko ang MMDA kasabay ng paghingi ng nasabing ahensiya ng dalawa pang araw na palugit para makamit ang tar get nilang “poster free” na mga lansangan at mga eskuwelahan ng Kamaynilaan.
Nakatakda na rin umanong ilabas ni Fernando ang listahan ng mga kandidato na mga “pasaway”.