Siniguro ni incoming Manila Mayor Alfredo Lim na mananatili ang mga empleyado ng City Hall kabilang dito ang mga appointees at taga-suporta ni outgoing Mayor Lito Atienza Jr. Ayon kay Lim, noon umanong 1992 ng manalo siya kay Mel Lopez ay natakot ang mga empleyado dito dahil sa takot na matanggal sila sa puwesto subalit wala umano siyang aalisin o tatanggalin. “Noong 1992, wala akong pinalitan noong nanalo ako kay Mel Lopez. Noong first meeting namin putlang putla ang mga tao niya. Sabi ko okay alam kong kumampanya kayo laban sa akin, basta kayo naglilingkod nang mabuti ok kayo sa akin. Ang iba na namana ko kay Mel Lopez kasama ko. Hindi ako bengador”, sinabi pa Lim. Subalit nagbabala naman si Lim sa mga sariling tagasuporta na hindi siya mangingiming sibakin ang mga ito kung masasangkot sa mga “monkey business.” Samantala, nagbabala din ang Alkalde na aalisin niya ang mga nakalalasing na inumin na itinitinda sa Baywalk Roxas Blvd. dahil sa ito umano ang madalas na pinagsisimulan ng away at gulo rito. Bukod sa Baywalk, ipagbabawal din nito ang paglalagay ng mga lamesa sa gitna ng kalsada sa mga establisimento sa Malate kung saan dito nag-iinuman at nakakaabala rin sa daloy ng trapiko. (Gemma Amargo Garcia)