Magsasampa ng kasong libel si incumbent 2nd district Congressional candidate Mary Ann Susano laban sa aktres na si Ara Mina, anak ni Ismael “Chuck” Mathay na kalaban sa politika ng una. Sinabi ni Susano na inihahanda na ng kanyang abogado ang pagsasampa ng kaso laban sa aktres bunsod na rin ng pagpapakalat umano ng balita ni Ara Mina na ang una ay namili ng boto noong panahon ng eleksiyon.
Naghinala din si Susano na malamang na paraan lamang ni Ara Mina na manira ng kalaban ng kanyang ama sa politika dahilan sa malaki na ang ungos na nakuha niyang boto sa nagdaang eleksiyon. Si Susano ang kasalukuyang nangunguna sa 2nd district sa congressional seat sa QC na nakabuslo ng botong 16,175 votes kumpara kay Mathay na nakakuha ng botong 10,638 batay sa latest tally sheet ng local Comelec sa QC. (Angie dela Cruz)