Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang binatilyo ng isang grupo ng kabataan na pinaniniwalaang kalaban nito habang patungo sa isang karinderya sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Dead on the spot ang biktimang si Conrad Pangilinan, alyas Jun-Jun, 16, residente ng Magsaysay, Tondo matapos na magtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo habang inaalam naman ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng grupong nakaaway ng biktima na tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat ng pulisya dakong ala-1:45 ng madaling-araw ng naganap ang insidente sa kanto ng Herbosa at Quirino Sts., Tondo. Naglalakad ang grupo ng biktima patungo sa Cora’s Tapsilogan upang kumain subalit hindi pa man sila nakakarating sa nabanggit na kainan ay nakasalubong na ng mga ito ang grupo ng mga suspect kung saan agad na naghamon ng away.
Walang sabi-sabing agad na pinaputukan ng tatlong ulit ng suspect sa ulo ang biktima at saka mabilis na tumakas. Hinala ng pulisya na posibleng magka-away na grupo ang biktima at suspect kung saan nais ng huli na makaganti sa una. (Doris Franche)