Takdang iproklama bago matapos ang linggong ito ang mga nanalong kandidato sa Quezon City sa nagdaang May 14 elections. Ayon kay City Prosecutor Claro Arellano, board Vice Chairman ng QC board of canvassers, malamang na maaga nilang maisasagawa ang proklamasyon sa mga nanalong kandidato sa nagdaang halalan, mas maaga kaysa sa nagdaang 2004 elections dahil karamihan sa mga local candidates ay wala namang kumakalaban. Sa kasalukuyan, kailangan lamang anya nilang matapos ang 50 percent ng canvassing ng city’s 5,049 election returns bago maideklara ang panalo sa nagdaang eleksiyon. Sinabi ni Arellano na base sa kanilang karanasan, ang canvassing ng election returns ay karaniwang natatapos ng apat hanggang 5 araw. Sa inisyal na tally ng mga boto, si incumbent Mayor Feliciano Belmonte Jr. ay nakakuha ng mas malaking boto na 76,215 sa kanyang tatlong kalaban, gayundin si Vice Mayor Herbert Bautista na 74,454 votes na higit na mas malaki kaysa sa mga kalaban. (Angie dela Cruz)