Muntik nang dumanak ang dugo sa pagitan ng mahigit 200 volunteers at mga barangay tanod nang magpang-abot ang mga ito matapos na magwala ang grupo ng una nang hindi umano ipagkaloob ng kanilang barangay captain ang bayad sa kanilang pagbabantay ng boto ni re-electionist Mayor Sherwin Gatchalian kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.
Dakong alas-11 ng gabi nang magsimulang magtipun-tipon ang mga watcher at mga political leader sa covered basketball court sa Doña Ata, Brgy. Marulas, ng naturang lungsod at hinahanap sa katabing barangay hall ang chairman na si Dr. Lito Binoza.
Ayon sa mga galit na volunteers, kinuha sila ni Binoza para maging watcher ni Gatchalian at pinangakuan ng halagang P700 kapalit ng kanilang serbisyo. Sinabi pa ng mga ito na pinuntahan nila ang kanilang barangay captain nang matapos ang halalan para kunin ang nasabing halaga subalit nagtago na umano ito.
Nagpang-abot naman ang mga volunteers at mga tanod nang tangkain ng mga galit na watcher na pasukin ang barangay hall. Napigil lamang ang posibleng karahasan nang puma gitna ang mga pulis.
Ilang tauhan naman umano ni Mayor Gatchalian ang lumutang at nag-abot ng bayad sa mga galit na poll watcher. Hindi pa rin naman kuntento ang mga watcher dahil sa P500 lamang umano ang ibinayad sa kanila na kulang ng P200 ipinangako sa kanila. (Danilo Garcia)