Rapist-killer sa Taguig, kilala na

Kinilala na kahapon ng mga tauhan ng Taguig City Police ang isa sa dalawang suspect na gumahasa at brutal na pumaslang sa isang 23-anyos na dalaga at tangka pang pagpatay sa dalawa pang kasambahay ng una na patuloy pa ring kapwa nasa kritikal na kondisyon sa isang pagamutan sa Taguig City.

Batay sa isinumiteng report ni SPO1 Conrado Mapili ng Criminal Investigation Division (CID) may hawak ng kaso, kinilala ang isa sa mga suspect sa pamamagitan ng naiwanan nitong kulay asul na Honda HRM na may plakang ZP-4536.

Lumilitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na pag-aari ito ng isang Reynaboy Cortez, alyas "Bong", 25, tubong Surigao Del Sur at residente ng AIG Village, Western Bicutan Taguig City.

Kasalukuyan namang inaalam pa ng mga awtoridad kung miyembro ang naturang mga suspect ng kilabot na "Kuratong Baleleng" na isang hold-up and robbery syndicate na nakabase sa probinsiya ng Surigao.

Ayon pa kay Mapili na naiwanan ng suspect sa isang lugar na hindi kalayuan sa bahay ng mga biktima na sina Divina Africa, 23, Alfa Mae Galamay ,17, Joy Magtuto,17 na pawang naninirahan sa Block 35 Lot 22 Pinagsama Village, Phase 2 Western Bicutan ng nasabing lungsod ang nabanggit na motorsiklo na kanilang sinakyan sa kanilang pagtakas.

Isang manhunt operation ang inilunsad ng pulisya laban kay Cortez at mga kasama nito. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments