Ito ang sinabi kahapon ng Center for Trade Union and Human Rights kasabay ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa.
Bukod dito, sinabi ng CTUHR na nananatili ring problema ng mga manggagawa sa bansa ang di-makatarungang kundisyon sa paggawa, kawalang-seguridad sa trabaho, panunupil sa kanilang demokratikong karapatan habang ang trade unionists ay napapaslang at ang iba naman ay hindi nakakatikim ng benepisyo at labor justice.
Sa isa namang hiwalay na pahayag sinabi ng IBON Foundation na ang mga manggagawa sa ilalim ng Administrasyong Arroyo ay patuloy na nakakatanggap ng mababang pasahod.
Ayon kay Sonny Africa, IBON research head, ang legislated minimum wage sa Metro Manila ay tumaas lamang ng P50 o P250 noong 2001 at ginawang P300 noong 2006.
Idiniin ni Africa na ang naturang dagdag sa sahod ang pinakamababa kumpara sa nagdaang administrasyon.
Anya noong 1995 hanggang 2000, ang mga manggagawa sa Metro Manila ay tumanggap ng umentong P105 at noong 1989 hanggang 1994 ay P56.
Samantala, libu-libong manggagawa ang nagsagawa ng kilos-protesta kasabay nang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa kahapon sa ilang bahagi ng Maynila.
Tinataya ng mga awtoridad na aabot sa 2,000 katao ang nagsagawa ng rally sa Liwasang Bonifacio, Plaza Miranda at sa Morayta at Recto.
Kinondena ng Alliance of Progressive Labor, Akbayan partylist, Anakpawis at Kilusang Mayo Uno ang pamahalaang Arroyo dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho at mababang pasahod pa rin sa mga manggagawa.
Partikular na iprinotesta ng APL ang kabiguan ng gobyernong Arroyo na tuparin ang pangakong 1.5 milyong trabaho kada taon bilang bahagi ng Medium-Term Philippine Development Plan ng pamahalaan noong taong 2004 hanggang 2010.
Nagmartsa ang APL at Akbayan mula sa Welcome Rotonda patungong Mendiola kung saan dito magtatapos ang kanilang programa subalit hinarang sila ng mga tauhan ng Manila Police District.
Nanawagan naman ang Federation of Free Workers sa pamahalaan na ipagbawal na ang contractualization sa mga pagawaan at bilisan ang pagresolba ng mga kasong nakabimbin sa Department of Labor and Employment at National Labor Relations Commission at mga Korte. (Angie Dela Cruz at Doris Franche)