Kinilala ang biktimang si Marissa Mandag, 18, stay-in na kasambahay sa 19-G J. Luna st. Brgy. Bagong Silang ng nasabing lungsod, habang sumuko din matapos ang mahigit sa dalawang oras na negosasyon ang suspect na nakilalang si Darton Degamon, 29, tubong-Doña Rosario Tubay, Agusan del Norte at pansamantala ding nanunuluyan sa nasabing bahay dahil kapatid umano ito ng isa ring kasambahay doon.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng madaling-araw sa loob ng nasabing bahay na pagmamay- ari ng pamilya Guillarte.
Nauna ng pinuntahan ng suspect ang maids quarter ng dalawa pang kasambahay na sina Marissa Saguyong, 17, at Rubilyn Belando 16, upang manghiram ng cellphone dahil tatawag umano ito sa kanyang kapatid dahil sa may bumubulong umano sa kanya na papatayin siya nito.
Nang hindi pinahiram ng cellphone ay nagalit ang suspect dahilan upang ikulong nito sa nasabing kuwarto ang dalawang dalagita na nagsisigaw upang humingi ng tulong.
Ang paghingi ng saklolo ay narinig naman ni Ancelito Tampula 29, live-in partner ni Mandag at nagtatrabaho bilang family drayber ng nasabing pamilya na agad na pumasok sa maids quarter.
Lingid sa kaalaman nito ay may patalim na bitbit ang suspect at nang makita siya ay agad naman siyang hinabol ng kutsilyo.
Dahil naman sa takot ni Marissa ay nagkulong ito sa banyo subalit nakita siya ng suspect at pinagtatadyakan ang pintuan nito at nang mabuksan ay hinostage ito at tinutukan ng patalim sa leeg.
Sa pagresponde ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Mandaluyong police ay agad na nagsagawa ng negosasyon subalit ayaw pakawalan ng suspect ang biktima.
Makalipas ang may dalawa at kalahating oras ay pinakawalan na rin ng suspect ang biktima sa pangako ng mga pulis na ipakakausap sa kanya ang kanyang kapatid na gusto nitong tawagan.
Napag-alaman pa sa mga biktima na bago ang pangho-hostage ng suspect ay ilang araw na itong hindi nakakatulog at laging sinasabing may bumubulong umano sa kanya na papatayin siya. (Edwin Balasa)