Nasawi noon din ang mga suspect, na kinilala sa kanilang mga alyas na sina Boy Pasig, umano’y leader ng Cabuyog at Brian Diario Group; Martin, dating miyembro ng Philippine Marines at isang Witwit, tactician ng nasabing grupo, habang ang dalawa pa sa mga ito ay hindi pa nakikilala.
Samantala, sa follow-up operation ng pulisya, nadakip ang apat na suspect kabilang ang tatlong Chinese national, na sina Wilson Chang, 25; Lino Tiu, 44; Tanka Tiu, nasa hustong gulang at Virgilio Alberca, 25, pawang mga nakatira sa Asia Compound, P. Santiago St., Brgy. Canumay West, Valenzuela City.
Napag-alaman na ang mga nadakip ang siyang bumibili ng mga nakukulimbat ng mga nasawi.
Ayon sa report ng District Intelligence and Investigation Division (DIID) ng Northern Police District (NPD), naganap ang insidente dakong alas-5:10 ng madaling araw sa Asia Compound, P. Santiago St., Brgy. Canumay West ng nasabing lungsod.
Nabatid, na papalabas ng Asia Compound ang isang Toyota Tamaraw FX na may plakang WFD-127 na sinasakyan ng mga suspect at namataan ang mga ito ng mga tauhan ng pulisya kung saan tinutugaygayan nila ang naturang grupo.
Hinarang ng mga pulis ang sinasakyan ng mga suspect, subalit agad silang sinalubong ng putok ng baril kung kaya napilitan nang gumanti ng putok ang mga awtoridad.
Nakuha sa tabi ng bangkay ng mga suspect ang dalawang granada, tatlong calibre .38 baril at dalawang calibre .45 na siyang ginagamit ng mga hijackers sa kanilang operasyon.
Nabawi din ng mga tauhan ng DIID ang isang Isuzu ten-wheeler truck na may plakang DSN-307 na naglalaman ng iba’t ibang klaseng kemikal na umano’y huling hinayjack ng mga suspect.
Sinabi pa ng mga awtoridad, bago ang operasyon ay nagsagawa ng surveillance operation ang mga tauhan ng DIID at nang maging positibo ay agad na nagsagawa ng operasyon ngunit nang matiyempuhan ng mga ito ang mga suspect ay nagpasya ang mga nasawi na manlaban sa pulisya.
Nabatid pa na ang grupo ng mga suspect ay nakilala sa mga operasyon ng hijacking, bank robbery at kidnapping sa buong Metro Manila at Rizal Province.