Dakong alas-4:30 ng madaling-araw nang lumapag ang sinasakyang Philippine Airlines flight PR 113 sakay si Pacquiao, misis na si Jinky at Rogelio Pacquiao. Kasama din ng grupo si Concepcion na halos na hindi na napansin at napagkamalang overseas Filipino worker (OFW) lamang. Sa kanyang pagbaba sa eroplano ay agad siyang iniskortan ng mga airport police ng kumakaway na si Pacquiao patungo sa isang sinet-up na lugar upang magbigay ng arrival statement sa media.
Matapos ang ibinigay nitong arrival statement ay agad siyang dumiretso sa VIP lounge na doon ito sinalubong ni Manila Mayor Lito Atienza.
Tumuloy sa Manila Hotel si Pacman kung saan isinagawa ang press conference at tumungo sa Palasyo para sa courtesy call kay Pangulong Arroyo kasunod ang isang motorcade sa Maynila.
Katulad ng inaasahan pinagkaguluhan ng mga Manileño si Pacman.
Sa mga panayam, sinagot ni Pacquiao ang katanungan na tila ginagamit siya sa pulitika ng kampo ng mga Atienza, subalit mabilis niyang sinabi na " Hindi ako ginagamit sa pulitika, alam ng mga tao na matagal na kaming magkakasama lahat ni Ali at ng mga Atienza, nasa Blow by Blow pa kami. Bata pa lamang ako ay magkakasama na kami at alam ko na tama ang aking hangarin sa aking pagpasok sa pulitika".
Makaraan nito, sinamahan ng alkalde si Pacman sa Malacañang sa kauna-unahang pagharap kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo mula ng dumating ito. Pagkagaling ng Palasyo, itunuloy na ni Pacquiao ang motorcade kung saan nilibot nito ang kabuuan ng Maynila. Nilinaw ni Pacman na bagamat papasok siya sa pulitika ay ipagpapatuloy pa rin niya ang boxing. Si Pacquiao ay tatakbong Congressman sa unang distrito ng South Cotabato kung saan mahigpit nitong makakalaban si incumbent Rep. Darlene Antonio Custodio. (Ellen Fernando at Gemma Amargo-Garcia)