Kumpleto sa suot na uniporme ang mga suspect na sina Jaime Pahulas, 28, ng F. Asidillo,St., Bagong Katipunan, Pasig City at Danilo Carlos, 44, ng 2198 Diamante St., Road 2 San Andres Bukid, Manila nang arestuhin dakong alas-9:30 ng gabi sa panulukan ng Quirino Ave. at P. Gil Sts. Sta. Ana, Maynila ng mga tauhan ni Senior Insp. Baltazar Beran, hepe ng MPD Anti Bank Robbery and Anti-Fraud section.
Bago ito, nagsasagawa ng pagpapatrulya ang mga tauhan ni Beran sa pamumuno ni PO2 Reynaldo Dipasupil sa naturang lugar makaraang makatanggap ng impormasyon mula sa ilang residente tungkol umano sa ginagawang pangongotong sa checkpoint ng mga nakatalagang pulis dito.
Nag-alangan pa sina Dipasupil na lapitan ang mga suspect matapos na nakitang kumpleto sa suot na uniporme ng pulis ang mga suspect at may sukbit pang mga baril.
Gayunman sinita pa rin ang mga ito ng mga awtoridad kung saan hindi naman nakapagpakita ng mga dokumento ng baril at ID ang dalawa na nagbunsod ng pagkakabisto sa modus operandi ng mga ito. Doon na natiyak na pekeng pulis ang mga ito.
Nakuha sa pag-iingat ni Pahulas ang isang kalibre .38 na baril at anim na bala samantalang 9mm caliber pistol at siyam na bala mula kay Carlos.
Ang mga suspect ay sinampahan ng kasong paglabag sa Omnibus Election Code (Comelec Gun Ban); paglabag sa Article 177 (Usurpation of Authority of Official Functions) at Article 179, RPC (Illegal Use of Uniforms and Insignia).