4 na parak protektor ng shabu lab

Tatlong pulis kabilang ang isang colonel ang isinasailalim ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa masusing imbestigasyon dahil sa pagbibigay ng proteksyon sa mga Chinese national na maintainer at chemist ng mga shabu laboratory sa bansa.

Tumanggi muna si Supt. Francisco Gabriel, hepe ng PDEA public information office, na pangalanan ang apat na pulis dahil sa kasalukuyang nasa proseso pa sila ng imbestigasyon at pangangalap ng sapat na ebidensya laban sa mga ito upang tuluyang madiin sa kaso.

Una nang sinabi ni PDEA Director General Dionisio Santiago, na nagawang makatakas ng mga chemist at maintainer ng shabu laboratory sa San Rafael, Bulacan dahil sa pakikialam ng tatlong pulis kaya walang naaresto sa kanilang pagsalakay.

Ayon kay Santiago, tinanggal na umano sa serbisyo ang naturang opisyal ng pulisya ngunit nagtataka siya kung bakit muling nakabalik ito sa serbisyo.

Nakita naman sa "video monitor" ng NAIA ang isang aiport police na ini-escortan ang Taiwanese chemist na si Hu Hsung Hui habang papasakay ito ng eroplano patungo sa Taiwan. Agad namang naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang dayuhan habang dinakip rin ang naturang pulis.

Sinabi ni Santiago na malakas ang loob na nakakapag-operate ang mga internasyunal na sindikato ng droga sa Pilipinas dahil sa pagbibigay ng proteksyon ng mga "scalawags" na opisyales ng Philippine National Police (PNP). (Danilo Garcia)

Show comments