Ayon sa tagapagsalita ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3), suspendido ang operasyon nito mula Abril 5 (Maundy Thursday) hanggang Abril 8 (Easter Sunday) at muli itong magbubukas ng pinto sa Abril 9.
Ayon naman sa Light Rail Transit Authority na ang (LRT-1: Monumento-Baclaran at LRT-2: Recto-Santolan) ay isasara rin simula Abril 5 at magbubukas na ito sa darating na Abril 10.
Pahayag pa ng pamunuan ng nasabing tren na bukod sa paggunita ng Semana Santa kung saan idineklarang holiday ay sasamantalahin na nila ang tigil operasyon at lilinisin at aayusin nila ang lahat ng kanilang mga tren para maiwasan ang anumang disgrasya sa mga susunod pa nilang biyahe.
Samantala, handa na ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pagbibigay ng seguridad sa publiko kaugnay ng posibleng pagkakaroon ng banta ng terorismo sa nalalapit na paggunita sa Semana Santa.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Calderon kasabay nang paki usap sa publiko na magsisiuwi sa kanilang mga lalawigan na mag-ingat at sundin ang mga safety measures upang maging ligtas ang kanilang pagbibiyahe.
Naniniwala si Calderon na bagamat may mga pulis na aantabay sa publiko sa kasagsagan ng paggunita ng Semana Santa ay mas makabubuti rin aniyang maging mapag-ingat ang mga ito. (Edwin Balasa)