^

Metro

32 bata hinostage

- Nina Doris Franche At Gemma Amargo-Garcia -
Matapos ang halos 10 oras na pagkabihag, pinalaya na pasado alas-7 kagabi ni Engr. Jun Ducat ang 31 sa kabuuang 32 mga bata at 2 guro na lulan ng isang tourist bus.

Bagamat banaag na sa mukha ng mga bata ang pagod ay wala namang iniulat na nasaktan sa mga ito.

Agad diniretso sa Ospital ng Maynila ang mga bata, habang dinala sa Manila Police District (MPD) General Assignment Section si Ducat kung saan takda siyang kasuhan ng illegal possession of firearms, serious illegal detention at public scandal.

Naganap ang pagpapalaya matapos ang kahilingan nitong pagtitirik muna ng kandila sa harap ng Bonifacio Shrine sa Lawton.

Ang hostage-drama ay nagsimula dakong alas-9:15 ng umaga sa loob ng inarkila ni Ducat na Philippine Trans Corp na may plakang TWT-271 na gagamitin sana sa kanilang field trip. Si Ducat ang may-ari ng Musmos Day Care Center sa Parola Compound kasama ang dalawa pang lalaki ang siya mismong bumihag sa mga bata sa loob ng may sampung oras.

Ayon sa ulat, nakatakda umanong magtungo sa Tagaytay City ang mga bata para sa isang field trip na inihanda ni Ducat. Ito umano ay blow-out ni Ducat sa mga batang nagtapos sa day-care. Lahat ng gastos ay sinasabing sagot ni Ducat.

Nagsimula ang hostage drama dakong alas-9:15 ng umaga sa may Lawton, Maynila malapit sa Manila City Hall nang biglang itigil sa naturang lugar ang bus. Pinababa nina Ducat ang driver ng inarkilang bus na si Deogracias Bugarin at saka naglagay ng poster sa salamin ng bus tungkol sa pangho-hostage niya sa may 32 bata at dalawang guro.

Ayon sa driver na papunta na sana sila sa Tagaytay nang padaanin siya ni Ducat sa may Lawton dahil sa may dadaanan pa umano sila doon na dalawang konsehal. Pagdating sa lugar ay doon na pinababa ang driver na si Bugarin.

Dahil dito, agad nang inalerto ang mga tauhan ng SWAT at kinordon na ang lugar at pinaligiran ang bus.

Sa kanyang ipinaskil na poster sa harap ng salamin ng bus, hinihingi nito ang garantiya na mabibigyan ng pabahay at mapagtatapos sa kanilang mga pag-aaral hanggang sa kolehiyo ang may 145 na bata na nagtapos sa Musmos Foundation.

Nabatid naman kay Ducat na nais lamang niyang ipaglaban ang pagbibigay ng libreng edukasyon para sa mga bata hanggang kolehiyo. Si Ducat ay nakapagpapatayo na ng may tatlong day care center. Pinabulaan nito na ang kanyang ginawang pangho-hostage ay bahagi ng kanyang planong pagtakbo bilang Kongresista sa ikatlong distrito ng Maynila. Ayon naman sa pamangkin ni Ducat na si Adrian, matulungin ang kanyang tiyuhin at madalas nitong pinoproblema ang sitwasyon sa bansa lalo na ang mababang kalidad ng edukasyon at ang problema sa mga hindi makapag-aral na mga bata.

Dakong alas-12:40 naman ng tanghali nang dumating si Senator Ramon "Bong" Revilla, bunsod na rin ng kahilingan ni Ducat na ito ang makausap. Sinasabing inaanak ni Ducat ang pangalawa sa bunsong anak ng senador. Tanging si Senador Revilla ang pinayagan ni Ducat na makapasok sa loob ng bus at doon sila nag-usap.

Ipinangako naman ni Revilla na sasagutin na niya ang pagpapaaral sa mga bata.

Makalipas ang may 40 minuto pero wala pa ring katiyakan kung pakakawalan na ni Ducat ang mga bata. Ilang minuto pa ang lumipas ay pinakawalan ni Ducat ang isa sa mga bata na nakilalang si Zynhon Irish Pacheco dahil sa mataas nitong lagnat. Agad itong isinugod sa Ospital ng Maynila.

Ilang minuto rin nitong inihayag sa radio station DZMM ang lahat ng kanyang saloobin tungkol sa nagaganap na korapsyon at ang hindi pagtugon ng mga politiko sa edukas yon at pabahay ng mga mahihirap.

Lumilitaw na si Ducat ay tatlong ulit nang nagsagawa ng pangho-hostage kung saan ang una ay naganap noong 1993 sa San Roque Church sa Blumentritt at ang ikalawa ay sa LRT station sa Maynila.

AYON

BATA

BONIFACIO SHRINE

BUS

DEOGRACIAS BUGARIN

DUCAT

LAWTON

MAYNILA

SI DUCAT

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with