Sa report na nakarating sa tanggapan ni Police Supt. William S. Macavinta, hepe ng Caloocan City Police, kinilala ang mga inireklamo na sina PO1 Prudencio Raras; PO2 Tirso Roncales; PO2 Jose Maria Buenaventura at PO1 Harold Solmayor, pawang nakatalaga sa Sub-Station 3 (SS-3), habang tinutugis naman ang isang di-nakilalang sibilyan na kasama ng mga ito sa naganap na abduction.
Nakilala naman ang biktima na si Ronald Arzadon, 37, ng Melody Plains, Bulacan.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-4 ng hapon, noong nakalipas na Marso 8, 2007 sa Phase 4, Barugo, Bagong Silang, Caloocan City.
Nabatid na habang binabagtas ng biktima ang naturang lugar at minamaneho nito ang isang motorsiklo, namataan ito ng mga suspect na pulis, na kasalukuyan namang nagsasagawa ng check-point.
Sinita ito ng mga pulis at nakumpiska dito ang isang kalibre .45 baril.
Sa halip umanong kasuhan tungkol sa paglabag sa Omnibus Election code (Gun ban), dinala ng mga pulis si Arzadon sa kanilang safe house kung saan ito itinago ng halos tatlong oras at habang pinipigil ang biktima ay pilit itong pinaglalabas ng halagang P30,000 para sa kanyang kalayaan.
Halagang P14,000 lamang ang naibigay ng misis ng biktima na si Marian sa mga pulis kaya kinuha na rin ng mga suspect ang mga alahas, cellphone, pabango, cash money na P1,500.000, helmet at ang baril na kalibre .45 ng biktima. Matapos na makuha ng mga pulis ang kanilang gusto sa biktima ay pinalaya na ng mga ito si Arza don at makalipas ang isang linggo ay saka lamang isinoli ng mga pulis ang motorsiklo ng una.
Dahilan upang magharap ng kasong kidnapping at panghoholdap ang biktima laban sa mga suspect, na positibo nitong itinuro. (Lordeth Bonilla)