Kabilang sa mga nagreklamo laban kay PO3 Ramon Cuntapay ng Police Community Precinct 12 Sub-Station 3 ng Caloocan City sa tanggapan ni P/Chief Insp. Jose Valencia, hepe ng Investigation Branch ay sina Joseph Bulawan, 30; Patrick Jake Rodelas, 23; Vhenny delos Reyes, 25; mga residente ng Bagong Silang; Edwin Temple, 28; Edgardo Bartena, 30, kapwa naninirahan sa Fairview, Quezon City; at si Dolphy Toledo, 25, ng Blk 12, Lot 3, Tower Ville, Sapang Lamig, San Jose del Monte, Bulacan.
Nag-ugat ang reklamo nang arestuhin ni Cuntapay, ang mga biktima noong Biyernes ng alas-2 ng madaling-araw habang bumibiyahe sa may Bagong Silang dahil sa paglabag sa batas-trapiko (out of route).
Dito ay nagawang ipa-impound ni Cuntapay ang mga sasakyan ng mga driver kung saan humingi ang una ng P3,000 para mai-release ang mga sasakyan.
Nagtakda pa ng oras ang nasabing pulis para makuha ang mga sasakyan at kung hindi makapagpo-produce ng nasabing halaga, mauuwi ito sa P6,000.
Sa puntong ito, nagpasya ang mga driver na magreklamo sa kinauukulan para ipabatid ang hinaing.
Samantala, ayon sa mga driver, ang regular na ruta nila ay SM Fairview via Welcome Rotunda sa Quezon City, subalit inamin ng mga ito na kumukuha sila ng pasahero kapag papauwi na sila ng Bagong Silang.
Nakatakdang sampahan ng kasong kriminal at administratibo si Cuntapay habang hinihintay ito sa nasabing himpilan upang bigyang-linaw ang nasabing reklamo. (Ricky Tulipat)