Batay sa inisyal na report ni Insp. Angelo Nicolas, hepe ng Quezon City Police-Anti-Carnapping Division dakong ala-1 ng madaling-araw nang maganap ang carjacking sa harap ng isang fastfood chain sa panulukan ng Quezon Ave. at EDSA sa Quezon City.
Nabatid na galing si Eleurese Cariño, kaibigan ni Anton sa kanyang performance sa comedy bar na Punchline sa Quezon Ave nang hiramin nito ang kotse ng comedian upang bumili ng makakain.
Kababa lamang ni Cariño sa Honda CRV na may plakang ZBG-324 nang tutukan ng apat na armadong kalalakihan at sapilitang kinuha ang susi ng sasakyan.
Dito ay muling pinabalik ng mga suspect sa kotse si Cariño habang nakatutok ang baril at saka pinadapa. Sa loob ng sasakyan umano ay piniringan ng mga suspect ang mata ni Cariño.
Ayon kay Cariño, hindi siya humingi ng tulong o sumigaw sa takot na barilin hanggang sa naramdaman na lamang niya na papalabas na sila ng toll gate.
Dito ay kinuha ng mga carjackers ang kanyang cell phone at wallet at saka iniwan sa Marilao, Bulacan. Isang tricycle driver naman ang nakakita at tumulong kay Cariño.
Sinabi naman ni QCPD director, Sr. Superintendent Magtanggol Gatdula, na tukoy na nila ang grupo na responsable at nagsasagawa na sila ng operasyon upang mahuli ang mga ito.
Idinagdag pa ni Gatdula na minomonitor na rin nila ang iba’t ibang exit point matapos na makatanggap ng report na karamihan sa mga na-carjack na sasakyan ay dinadala sa Valenzuela. (Doris M. Franche)