Sinabi ni Army Spokesman Major Ernesto Torres Jr. inaalam pa kung ang mga eksplosibo ay naglalayong pasabugin ang compound ng headquarters ng Army.
" Hindi pa namin masabi sa ngayon kung ano ang motibo at kung para saan ang mga granada. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon para mabatid kung sino ang nasa likod nito", pahayag pa ni Torres.
Bandang alas-11:05 ng umaga ng matagpuan ng mga elemento ng Army’s 5th Explosive and Ordnance Disposal (EOD) Team ang dalawang fragmentation grenade, isang hand grenade at percussion cap.
Ang nasamsam na mga granada ay nakasilid pa sa isang plastic bag at nakabalot sa masking tape na narekober sa kahabaan ng Bayani Road may 150 metro mula sa Gate 1 ng Fort Bonifacio compound.
Sinabi ni Torres na isang Joel Reyes, 21, nagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad hinggil sa nasabing mga ekspolsibo na kahina-hinalang inabandona sa nasabing lugar.
Mabilis namang nagresponde ang tropa ng Army’s EOD at narekober ang nasabing mga pampasabog bago pa man ito makapaminsala. (Joy Cantos)