Hiniling ni Judge Marivic Balisi-Umali ng Manila RTC branch 20 sa Ombudsman na magsagawa ng imbestigasyon kina Manila City Jail Warden Supt. Allan Iral, Senior Inspector Alvin Gavan at JO3 Adamor Navalta.
Ito ay upang madetermina kung maaaring sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga nabanggit matapos na ilegal na palayain umano si convicted Joni Ortinez noong Hunyo 23, 2006 nang hindi ipinapaalam sa korte.
Nabatid na nag-apply si Ortinez sa korte para sa probation matapos na mahatulan na makulong ng dalawang taon at apat na buwan. Hindi pa man nagpapalabas ng resolusyon ang korte sa naturang kahilingan ay pinalaya ng tatlo ang akusadong si Ortinez.
Nadagdagan pa ang posibleng pagkakasala ng tatlo nang hindi umano ipaalam agad sa korte ang ginawang pagpapalaya kay Ortinez at hindi paggawa ng aksyon para muling madakip ito matapos mabuko ang ginawang ilegal na pagpapalaya.
Ibinasura rin ng korte ang paliwanag ng tatlong jail officer na sinunod lamang nila ang "parole" para kay Ortinez.
Isinasailalim na ngayon sa preliminary investigation ang tatlong jail officer sa City Prosecutor of Manila upang masampahan ng kasong paglabag sa Article 223 at 224 ng Revised Penal Code.
Pinadalhan na rin ng naturang order ng korte ang Department of Interior and Local Government at Bureau of Jail Management and Penology para imbestigahan ang tatlong jail officers noon pang Setyembre 13, 2006 ngunit wala pa ring ginagawang aksyon hanggang sa kasalukuyan ang naturang tanggapan. (Danilo Garcia)