Ex-PC captain, 3 pa tiklo sa droga

Arestado ang apat na kalalakihan kabilang ang isang dating opisyal ng Philippine Constabulary (PC) sa isinagawang drug raid operation ng mga kagawad ng pulisya, kamakalawa ng gabi sa San Juan.

Kinilala ang mga naarestong suspect na sina Ex-PC Capt. Ildefonso Carado, 50, security officer at residente ng #3-C 18th Avenue Cubao, Quezon City; Alexander Medrano, 34, ng Ubas St., Napico Brgy. Manggahan, Pasig City; Fernando Rebudiano Jr., 26, ng Padilla, Antipolo City at Danilo Flores, Marcos Hi-way Antipolo City.

Ayon kay P/Supt. Rodelio Jocson, hepe ng San Juan police, dakong alas-10:30 ng gabi nang madakip ang mga suspect sa isinagawang operasyon ng pulisya sa 3rd West Crame, San Juan matapos na makatanggap ng ulat na talamak na pagbebenta ng shabu at marijuana sa nasabing lugar.

Agad na nagsagawa ng raid ang pamunuan ng San Juan police na kung saan naaktuhang nagsasagawa ng pot session ang mga suspect.

Nasamsam sa mga ito ang ilang sachet ng shabu, mga paraphernalia nito at kalahating kilo ng marijuana.

Kasalukuyang nakapiit ang mga suspect sa San Juan detention cell habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga ito. (Edwin Balasa)

Show comments