Most wanted sa Valenzuela arestado

Matapos ang halos tatlong taong pagtatago, nalambat na ng mga operatiba ng Valenzuela Police Warrant Section ang isang 20-anyos na binata na nakapatay sa kanyang kababata sa nasabing lungsod, ayon sa ulat kahapon.

Nasa kustodiya na ni SPO4 Manolito Manalo, hepe ng warrant section ng Valenzuela Police ang suspect na si Roberto Ursual, magsasaka, matapos na maaresto sa isinagawang operasyon sa pinagtataguan nito sa Brgy. Palid-2 sa lalawigan ng Leyte.

Ayon kay Manalo, si Ursual ay itinuturing ng mga awtoridad na isa sa mga most wanted persons sa lungsod matapos na magtago dahil sa pagpatay sa biktimang si Jowie Leuterio, 22, ng Karuhatan, Valenzuela City noong Disyembre 19, 2004 dakong alas-10 ng gabi sa kahabaan ng Daang-Bakal, nasabing lugar.

Ang pagdakip sa suspect ay ginawa base sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Trinidad Dabay ng Valenzuela Regional Trial Court Branch 75 noong Disyembre 22, 2004 dahil sa kasong murder laban sa suspect.

Sinabi ni Manalo na matapos ang kanilang mahabang paghahanap kay Ursual kaya nagawa nilang matunton ang pinagtataguan nito mula sa tinanggap na rin nilang impormasyon.

Aniya, nang makakuha ng isang tip mula sa kaanak ng biktima sa pinagtataguan ng suspect ay agad siyang bumuo ng team upang isagawa ang pag-aresto.

Matagumpay na nakauwi sa Valenzuela bitbit ang suspect ang mga operatiba na inatasang humuli rito sa pamumuno ni SPO2 Rodrigo Farinas, PO3 Marcial Galang ng Valenzuela Police at Leyte Police na sina SPO1 Canas, PO3 Mercurio, bitbit ang nasabing mandamyento sa nasabing barangay at nadakip si Ursual ganap na alas-4 ng hapon habang namamahinga sa tinutuluyan nito na namumuhay bilang isang magsasaka. (Ellen Fernando)

Show comments