Ang mga naaresto ay sina SJO2 Angelino Gammad, 32, residente ng 2014 Old Panaderos St., Sta. Ana Manila at JO1 Sheila Marie Almacen, 35.
Batay sa ulat ni SPO1 Fernando Aguilan, dakong alas-12:30 ng madaling-araw ng maganap ang insidente sa harapan ng Pampangas Grill na matatagpuan sa Aglipay st., Barangay Poblacion ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na isang nagngangalang Luis Arcangel ang nag-aabang ng masasakyang taxi sa nasabing lugar nang makita niya si Gammad na tinitingnan siya mula ulo hanggang paa at patawa-tawa.
Sinabi ni Arcangel na ng tanungin niya si Gammad kung ano ang dahilan at masama ang tingin sa kanya nito ay bigla na lamang umano siya nitong itinulak at sinigawan.
Agad namang nagpaputok ng warning shot ang kasama ni Gammad na si Almacen upang matigil ang gulo.
Dahil dito ay nirespondehan ng mga bantay bayan sa nabanggit na barangay ang lugar ng insidente kung saan inaresto ang dalawa dahil sa pagdadala ng baril at pagpapaputok habang ipinatutupad ng COMELEC ang gun ban para sa paghahanda sa nalalapit na May 2007 eleksiyon.
Nakuha kay Gammad ang isang 9mm service firearm na kargado ng 12 live ammo, habang nakuha kay Almacen ang kanyang 9mm service fire arm na may 11 bala nito.
Nahaharap ngayon sa kasong Violation of Comelec Omnibus Election code ang dalawa habang dagdag na Illegal discharge of firearm naman para kay Almacen. (Edwin Balasa)