Inuman niratrat: Trader dedo, 1 pa sugatan

Patay ang isang negosyante habang sugatan naman ang kaibigan nito matapos na pagbabarilin ng tatlong hindi pa nakikilalang kalalakihan, kamakalawa ng hapon sa Quezon City.

Hindi na umabot pang buhay nang isugod sa Capitol Medical Center ang biktimang si Salvador Faustino dela Peña, 34 ng Dr. Lascano St., Brgy. Laging Handa ng nabanggit na lungsod, samantalang ginagamot naman sa nasabi ring ospital ang kaibigan nitong si Jess Michael Rubio, 36.

Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police-Criminal Investigation Unit (QCPD-CIU) naganap ang insidente sa harap ng bahay ni dela Peña dakong alas-5:40 ng hapon.

Ayon kay Diego dela Peña, nag-iinuman sila ng mga biktima ng lumapit ang tatlong lalaki at hinahanap ang isang nagngangalang Edwin Bellosillo.

Hindi pa man nakakasagot ang mga biktima ay bigla na lamang silang pinaputukan ng baril ng mga suspect at pagkatapos ay mabilis na tumakas lulan ng isang Mitsubishi L-300 van na may plakang RAF-197.

Sinabi ni dela Pena na wala naman silang kagalit at hindi nila namumukhaan ang mga suspect.

Nakakuha naman ng limang basyo ng cal. 45 ang mga tauhan ng SOCO sa lugar na pinangyarihan ng krimen, habang inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaslang. (Doris Franche)

Show comments