Mga preso sa Pasay City jail nag noise barrage

Nagsagawa ng "noise barrage" ang mga bilanggo ng Pasay City Jail upang tutulan ang pinatutupad na paghihigpit na pagtanggap ng dalaw ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos masakote ang apat na inmates dito na nagpupuslit ng droga mismo sa loob ng nabanggit na kulungan kahapon ng umaga.

Base sa report dakong alas-11 kahapon ng umaga isinagawa ng mga bilanggo sa Pasay City Jail ang naturang pag-iingay, na pinangunahan ng grupo ng Batang City Jail (BCJ) Gang at Sigue-Sigue Sputnik Gang.

Ngunit ang naturang noise barrage ay muntik ng mauwi sa riot na humupa lamang matapos magpakawala ng warning shot ang isang kagawad ng BJMP.

Nabatid na ang isinagawang pag-aklas ng mga inmate ay upang tutulan ang naging hakbangin ng pamunuan ng BJMP na nakabase sa Pasay City Jail sa paghihigpit sa pagtanggap ng kanilang mga dalaw.

Samantala, apat na preso na pawang mga mayor sa kanilang mga selda ang sinailalim kahapon sa isang drug test matapos "kumanta" ang isang misis ng isa pa ring preso na ang mga ito ang nakikinabang hinggil sa drogang ipinasok umano niya sa loob ng Pasay City Jail.

Kinilala ang mga inmate na sina Jake Villanueva; Reynaldo Lungko, kapwa miyembro ng Batang City Jail (BCJ); Egoy Clino at Wilfredo Rabasio, pareho namang miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang. (Lordeth Bonilla)

Show comments