DPWH official, kastiguhin sa pagsusugal

Dapat umanong kastiguhin ni Public Works Secretary Hermogenes Ebdane ang kanyang mga kawani kasabay ng mahigpit na pagpapatupad nito ng batas na nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan ang pagtungo sa anumang sugalan.

Ayon sa mga kawani, ang kanilang panawagan ay bunsod na rin ng umano’y balitang lantaran umano ang pamamalagi ng isang opisyal ng DPWH sa Off Track Betting sa isang kilalang hotel sa Quezon City.

Nabatid sa ilang source na malakas umano ang loob ng opisyal na magsugal dahil na rin sa pagiging madikit nito sa ilang maimpluwensiyang tao kung kaya’t nakapagsusugal ito anumang oras.

Ang DPWH official at isang nagngangalang Opet ay di umano’y malakas kay Ebdane at nagpaplanong kunin ang puwesto ni Josefino Rigor na kasalukuyang DPWH-NCR director.

Matatandaan na maging si Rigor ay nasangkot din sa katulad na kontrobersiya na mariin naman nitong pinabulaanan. Maging si dating North Manila Assistant District Engineer Mel Geronimo ay nasuspinde din matapos na mahuling nagsasabong sa del Monte Cockpit Arena sa oras ng trabaho.

Iginiit ng mga kawani na dapat na bigyan ng pansin ni Ebdane ang iba’t ibang kontrobersya at reklamo sa kanyang mga tauhan at opisyal dahil ang DPWH ay lima sa mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan na talamak ang korupsiyon kung saan kadalasang "unexplained wealth" ang nagiging isyu. (Doris Franche)

Show comments