Tinangka pang lumaban at nakipagpalitan pa ng putok ang mga suspect subalit nang makitang napapaligiran na sila ay kusang sumuko ang mga ito.
Nakilala ang mga nadakip na sina SPO2 Rodolfo Estores; PO2s Cyril Digusen, Darwin Salvador, Jay Calderon at PO1 Roldano Isidro, pawang nakatalaga sa Criminal Investigation Unit ng QCPD. Kasama pang nadakip si Elmer Ramos, dating pulis at dalawang sibilyan na sina Darwin Mijares at Marcelo Montero.
Ang mga suspect ay kasalukuyang nakapiit sa Regional Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.
Ayon kay Sr. Supt. Felipe Rojas Jr. Intelligence chief ng NCRPO, naaresto ang mga suspect sa isinagawang buy-bust operation matapos na makipag-deal ang isang police asset sa isang bigtime drug pusher na nagbebenta ng halagang P2.3 milyon kada kilo ng shabu.
Dakong ala-1:30 ng hapon kamakalawa ay nagkasundo ang grupo ng tulak at ang impormante na magkita sa isang fastfood chain sa kahabaan ng Commonwealth Avenue. Matapos na maibigay ng isa sa mga suspect ang shabu na nakalagay pa sa magandang kahon at makuha ang P4.6 milyon na budol money ay agad na naglabasan ang mga awtoridad upang arestuhin ang mga suspect.
Tinangka pang tumakas ng mga ito at nagkaroon pa ng sandaling putukan subalit sumuko rin ng makitang nakapaligid na sa kanila ang mga kagawad ng pulisya.
Itinanggi naman ng mga suspect na sangkot sila sa droga at kaya lang sila nandoon ay mayroon silang surveillance operation na isinasagawa hinggil sa malaking grupo ng mga bank robbers subalit hindi naman nila maipaliwanag kung saan galing ang dalawang kilo ng shabu na nakuha sa kanila. Inihahanda na ang kaso laban sa mga ito. (Edwin Balasa at Doris Franche)