Sa ginanap na simpleng seremonya kahapon sa grandstand ng PNP Headquarters sa Camp Crame, pormal na inilunsad nina PNP Chief Director General Oscar Calderon at NCRPO Chief Director Reynaldo Varilla ang Task Group MASO.
Layunin ng naturang proyekto na palakasin ang police visibility patrols para hindi magkaroon ng oportunidad ang mga kriminal na magsagawa ng kanilang mga aktibidades lalo na ngayong Kapaskuhan, ayon kay Varilla. Umaabot sa 340 police personnel ang bumubuo sa MASO.
Idinagdag pa nito na kabilang sa mahigpit na babantayan ay ang mga robbery/holdup, cell phone snatching, salisi at laglag barya sa mga bisinidad ng mga tinaguriang crime prone areas tulad ng mga palengke, eskuwelahan, bangko, malls, simbahan, parking lots, restaurants, night spots, entertainment areas, MRT, LRT, bus at port terminals gayundin ang mga oil depots.
Binigyang diin ng mga opisyal na karaniwan ng tumataas ang mga insidente ng petty crimes sa tuwing sasapit ang kapaskuhan kaya minobilisa nila ang puwersa ng mga operatiba ng NCRPO sa ilalim ng Task Force MASO.
Idinagdag pa ng mga ito na ang proyekto ay isa sa mga pangunahing misyon ng pamahalaan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na lipulin ang lahat ng uri ng kriminalidad partikular na sa Metro Manila. (Joy Cantos)