Ang pergalan o peryahan na may pasugalan ay matatagpuan sa bakanteng lote sa kanto ng Amang Rodriguez Ave. at Santolan na mayroong limang lamesa ng pasugalan na pag-aari umano ng isang nagngangalang " Este".
Nabatid na nagsimula ang nasabing sugalan noong nakaraang Miyerkules ng gabi at dahil sa maraming nalululong na kabataan sa mga sugal na katulad ng color at number game ay agad na inireklamo ito ng mga concerned citizen sa himpilan ng pulisya at barangay.
Agad namang umaksyon ang mga awtoridad at pinasara ang pergalan noong Huwebes ng gabi at ilang peryante ang hinuli ng mga ito at dinala sa himpilan ng pulisya.
Subalit laking pagtataka ng mga residente kamakalawa ng gabi ng muli itong magbukas na tila parang walang nangyaring raid noong nakaraang gabi.
Ayon sa source ng pahayagang ito, lumalabas na inupahan ang nasabing bakanteng lote ng halagang P80,000 habang nakapatong umano ang may-ari ng peryahan na si "Este" sa Pasig police at nagbigay na umano ito ng paunang P120,000 bayad o grease money para makapag-operate ng sugalan.
Hindi naman nilinaw ng source kung kay Sr. Supt. Francisco Uyami Jr, hepe ng Pasig police ipinarating ang paunang bayad o idinirekta ito sa pamunuan ng Eastern Police District (EPD).
Bukod dito ay may lingguhan pa umanong intelihensyang nakukuha ang kapulisan sa nasabing pergalan.
Dahil dito nakikiusap ang mga residente kay Pasig City Mayor Vicente Eusebio na gawan ng hakbang para maipasara nang tuluyan ang nasabing pergalan habang hindi pa masyadong nalululong ang mga kabataan dito na posibleng maging paraan sa paggawa ng krimen. (Edwin Balasa)