Tatlong ex-con timbog sa holdap

Balik-kulungan ang tatlong ex-convict matapos na maaresto sa isang follow up operation nang magreklamo ang kanilang biniktima kahapon ng tanghali sa overpass sa Cubao, Quezon City.

Pawang nakakulong sa Quezon City Police District-Kamuning Police Station ang mga suspect na sina Ronald Normi, 24, ng 138 Cambridge St. San Diego, QC, miyembro ng Sputnik Gang; Elmer Rescondado, 32, ng no. 27 Kalayaan B-Batasan Hills QC at Gerald Fernandez, 22, ng 93-A Ermin Garcia, Brgy. Pinagkaisahan, QC kapwa miyembro ng Bahala Na Gang matapos na masakote sa follow up operation nina SPO1 Glen Bueno, PO1 Zaldy Cabling at PO1 Warly Cagurangan.

Sa imbestigasyon ni PO2 Merlito Tubog, naglalakad dakong alas-12:01 ng tanghali ang biktimang si Mary Jo-Ann Palisoc, 24, sa overpass sa panulukan ng EDSA at Ermin Garcia sa Cubao nang biglang lapitan ng tatlong suspect at saka tinutukan ng patalim.

Dito na kinuha ng mga suspect ang pera, alahas at cellphone ng biktima at saka mabilis na tumakas.

Isang BSDO naman ang nakita ng biktima at nagsama sa himpilan ng pulisya. Agad namang nagsagawa ng follow up operation ang mga pulis hanggang sa madakip ang mga suspect. (Doris Franche)

Show comments