Kabilang sa mga kakasuhan ng Gross Neglect of Duty and Conduct Prejudicial to the Service sina Dr. Clara Faustino, head ng Pediatrics Dept.; Dr. Maria Carmen Quevedo, hepe ng OB-Gyne Dept.; at Dr. Josefina Carlos, chairman ng Infection Control Committee.
Samantalang kasong Neglect of Duty and Conduct Prejudicial to the Service naman ang ikakaso kay Dr. Winston Go, Medical Center Chief; Dr. Louise Marie Flores, Chief Nurse; Dr. Bernardita Javier, chief Medical Professional Staff at Dr. Buddy Ortego, Chief Administrative Officer.
Ayon kay Duque, kapag napatunayang guilty ang grupo ni Faustino ay maaaring masibak ang mga ito sa serbisyo at mawalan ng lisensiya kapag nagsampa ng kasong kriminal ang mga magulang ng pitong sanggol na namatay sa Professional Regulation Commission.
Nilinaw ni Duque na kasalukuyang nakatalaga muna sa DOH main office sa Tayuman sina Faustino, Quevedo at Carlos habang patuloy na dinidinig ang kaso.
Magugunita na pitong sanggol na pawang mga bagong panganak ang sunod-sunod na namatay sa nabanggit na ospital dahil sa neonatal sepsis noong Oktubre dahil sa maruming paligid ng pagamutan. (Gemma Amargo-Garcia)