2 ambush sa QC: 1 patay, 2 sugatan

Patay ang isang Certified Public Accountant at Vice- president ng isang private company, habang sugatan naman ang isang presidente ng construction company at security chief nito matapos na tambangan sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Dead on the spot ang biktimang si Rene Latosa, 60 ng Cunningham Toplis Phil, Inc. at naninirahan sa Sta. Cruz, Bacon, Sorsogon.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Leo Nino Pasco, naganap ang insidente dakong alas-7 ng umaga sa harap ng No. 35 Annapolis St. Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.

Naglalakad ang biktima nang bigla na lamang lapitan ng mga suspect na sakay ng motorsiklo at saka pinaputukan ng ilang beses at saka mabilis na tumakas patungong Aurora Blvd.

Blangko pa ang pulisya kung ano ang posibleng motibo sa isinagawang pamamaril sa biktima. Samantala, tatlong oras lamang ang nakalipas tinambangan din at nasugatan si Engr. Leopoldo Sanchez, presidente ng R2 Builders, gayundin ang kanyang chief security na si Gereon Gafful, 43. Dalawang lalaki rin na nakasakay sa motorsiklo ang bumaril at nakasugat sa mga biktima na naganap dakong alas-10 ng umaga sa Malakas St., Brgy. Central ng nabanggit na lungsod.

Lumilitaw sa imbestigasyon na kabababa lamang ni Sanchez mula sa kanyang itim na Toyota Land Cruiser nang barilin ng dalawang suspect. Agad namang sumaklolo si Gafful subalit ito naman ang binaril ng mga suspect.

Sinabi ni Gafful na ang mga suspect ay nakasuot ng asul na jacket at sakay ng motorsiklo.

Inaalam ng pulisya kung may kinalaman ang pamamaslang sa trabaho ng mga biktima. Samantalang isang follow up operation naman ang isinasagawa ng pulisya upang matukoy at madakip ang mga suspect sa dalawang insidente ng pananambang. (Doris Franche)

Show comments