Sasampahan ngayon ng kasong kriminal at administratibo ng Valenzuela Police si Supt. Fernando Villanueva, chief of police ng Meycauayan, Bulacan at ibang mga tauhan nito dahil sa kanilang pakikialam at sapilitang pagtangay sa mga inaresto ng Valenzuela PCP 6 na umanoy jueteng collectors na sina Cesar Cleofe, ng #38 Apeliz Cmpd., Skyline Subd. Vicente Reales, Valenzuela City at Nicanor Lim, ng 373 Tugatog, Meycauayan, Bulacan matapos na mahulihan ng jueteng paraphernalias at P215.75 cash.
Ayon sa ulat, patungo sina SPO2 Salvador Vallo, PO3 Celedenio Bonuel at PO1 Allan Vizconde, ng Valenzuela PCP 6 at sina Cleofe at Lim sa kanilang himpilan nang harangin ng anim na pulis-Meycuayan sa pangunguna ni Villanueva na pawang di naka-uniporme sakay ng isang ambulansya. Sa pangambang dumanak ng dugo, agad na nakuha ang dalawang suspect at isinama nina Villanueva pasakay sa ambulansya saka pinaharurot patungong Bulacan.
Agad namang nakahingi ng responde ang tatlong pulis kay C/ Insp. Florido Romero hanggang sa sundan nila ang mga pulis-Bulacan. Nang makarating sa Mecauayan Police Station ay agad na hinanap at kinompronta ni Romero si Villanueva na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa magkasahan ng baril na nauwi sa matinding tensiyon.
Agad ding naayos ng mga opisyal ang usapin kung saan itinurn-over na rin ng Meycauayan Police kay Romero ang dalawang gambling suspects na agad na sinampahan ng kasong paglabag sa PD 1602. (Ellen Fernando)