Kinilala ni NBI director Nestor Mantaring ang mga suspect na sina Lourdes dela Cueva Elpedes, 52, proprietress ng LWM Loan Consultancy Services na matatagpuan sa #12 13th Avenue, Brgy. Socorro, Murphy, Quezon City at residente ng Brgy. Bahay Toro, Project 8; Lanie Gose Angulo, loan assistant ng Brgy. Bahay Toro; anak ni Lourdes na si Erwin dela Cueva Elpedes, 26; Ganggad Garcia, 50, ng Navotas; Jose Dalope Garcia Jr., 51, ng Barbara, Pangasinan; Wilma Galicia Fernandez, 48; at Ediwon Ramos Collado, 44, ng Bessan llacapan, Cagayan.
Ayon kay Special Action Unit (SAU) head ARD Vicente de Guzman III, nagtungo umano ang complainant na si Erlinda Hipolito, 62, sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) sa Camp Aguinaldo upang i-follow-up ang "old age pension" nito mula sa kanyang namatay na asawang si Ramon na isang World War II veteran.
Sa opisina ng PVAO ay lumapit umano ang isang babae sa biktima at nagtanong tungkol sa kanyang pension at nag-alok umano ito ng financial help at sinamahan nito sa kanilang opisina sa 13th Avenue, Brgy. Socorro.
Sa nasabing tanggapan ay nakilala niya si Lourdes at nagbigay kay Hipolito ng halagang P20,000 para may magamit siya sa paglalakad ng kanyang pension kapalit nito ang kanyang mga personal na dokumento tulad ng senior citizen ID at iba pa at pilit na pinapirma na hindi umano nito maintindihan.
Makalipas ang siyam na taon ay nakatanggap umano si Hipolito ng sulat mula sa LWM Loan Consultancy Services na pirmado ni Elpedes na umabot sa P75,000 ang interes ng kanyang loan na P20,000.
Nagbanta rin umano si Elpedes na sa sandaling hindi ito makabayad ay hindi aaprubahan ang kanyang loan at hindi na makatatanggap ng anumang benepisyo mula sa PVAO.
Bunsod nito kayat nagsumbong ang biktima sa NBI at nagsagawa ng entrapment operation laban sa mga suspect noong Oktubre 5.