Kasabay nito, iginiit kahapon ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa kanyang mga kasamahan sa Senado na agarang ipasa ang kanyang Anti-Billboard Bill upang maiwasan ang anumang sakuna tulad ng naganap kamakalawa sa pagbabagsakan ng mga billboards sa mga pangunahing lansangan matapos itumba ng malakas na hangin ng bagyong Milenyo. Hiniling din nito sa Supreme Court na imbestigahan ang mga judges na nag-isyu ng temporary restraining order (TRO) laban sa MMDA at sa city mayors na nagtangkang bakbakin ang mga higanteng billboards dahil sa pagiging abala sa trapiko at motorista. Sa ilalim ng Civil Code, may kapangyarihan ang mga mayor at city engineers na gibain ang mga billboard na wala nang judicial proceedings.
Siniguro naman ni Sen. Ramon Revilla Jr., chairman ng senate committee on public works and highways na magpapatawag ang kanyang komite ng agarang public hearing para maipasa na agad ang bill ni Sen. Santiago patungkol sa mga billboards. Ayon naman kay Parañaque Rep. Roilo Golez, panahon na para i-ban ang mga killer billboard dahil sa nagiging sanhi pa ito ng aksidente at pagkasawi ng mga inosenteng sibilyan. Maliwanag aniya na dapat nang baklasin ang lahat ng mga billboards sa lansangan lalo pat walang kasiguruhan na maayos at matibay ang pagkakagawa ng mga ito. (Rudy Andal at Malou Rongalerios)