Money changer target holdapin: Army man, 1 pa huli sa serye ng holdap

Isang miyembro ng Phil. Army at isa pang lalaki ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police kaugnay sa pagkakasangkot sa serye nang panghoholdap sa mga money changer shops at payroll robbery sa lungsod ng Maynila.

Nakilala ang mga nadakip na sina Cpl. Juanito Castillan, 29, nakadestino sa 3rd Infantry Battalion 7th Infantry Division ng Army sa Fort Magsaysay, Palayan City at si Bradd Galea, 23, ng Maharlika Village, Taguig City.

Nabatid na nadakip ang dalawa dakong alas-5:45 kamakalawa ng hapon sa tapat ng isang hotel sa M.H. del Pilar St., Ermita, Maynila.

Nabatid na napansin ang dalawang suspect sakay ng pulang Honda XR-200 at itim na Kawasaki na walang helmet.

Dito sinita ang dalawa at nang inspeksiyunin, nakuha sa mga ito ang dalawang hindi lisensiyadong kalibre .45 baril.

Nang isailalim sa imbestigasyon, lumutang ang isa sa mga biktima ng mga ito na si Edward Day, 32, mensahero ng Chicago Heart Money at positibong kinilala ang dalawa na siyang nangholdap sa kanya noong Hunyo 30 sa may Pedro Gil St. kung saan tinangay ng mga ito ang may US$10,000 na winithdraw niya sa bangko.

Bukod dito, lumutang din ang iba pang nabiktima nito na pawang mga mensahero ng mga money changer shops na biktima din nila sa panghoholdap. (Danilo Garcia)

Show comments