Ayon kay Binay, may kulay pulitika ang ginawang pagpaslang kay Pablo "Lito" Glean, hepe ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Makati dahil malapit ito sa kanya na mensahe din upang tumigil na siya (Binay) sa pambabatikos sa administrasyong Arroyo.
Iginiit ni Binay na maituturing na classified political killing ang pagpatay sa kanyang top security na ikinadamay din ng isang security guard ng convinience store sa Shell Gasoline Station na si Benhur Bernados, 36 at ikinasugat naman ng tatlong miyembro ng Bagwis Riding Club.
Napag-alaman kay Binay na tatlong linggo bago mapatay si Glean ay may nakalap silang impormasyon na may grupong "Task Force Spider" at "Operation Phoenix" ang magsasagawa ng special operation upang likidahin ang mga kalaban sa pulitika ng administrasyon.
Kabilang sa assassination plot ang paglikida umano sa alkalde at kay Glean.
Sinabi ni Binay na agad siyang sinampolan matapos na ibaba ng Malakanyang ang order kung saan pinagpaliwanag siya hinggil sa isyu ng ghost employees na posibleng maging batayan ng kanyang suspensiyon.
Ayon naman kay Sr. Supt. Alfred Corpus, hepe ng Taguig Police, patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang mga suspect at motibo sa pamamaslang. (Lordeth Bonilla)