2 abortionist timbog

Arestado ang dalawang abortionist habang nakatakas naman ang isang kasamahan ng mga ito sa isinagawang entrapment operation ng pulisya, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

Kinilala ng pulisya ang mga naaresto na sina Aurora Eclona, 50, residente ng Landaska St., Dagat-Dagatan, at Annabelle San Ramon, 44, na residente naman ng #129 Lerma St., Maypajo, kapwa ng Caloocan City; habang pinaghahanap pa ang nakatakas na kasamahan ng mga ito na kinilala lamang sa pangalang Vicky.

Batay sa ulat ng Caloocan City Police, dakong ala-1 ng hapon nang isagawa ng pulisya ang operasyon at lusubin ang bahay ni Eclona na umano’y ginagawang klinika ng mga ito. Nagbunga ang pagkakaaresto sa mga suspect nang magreklamo sa pulisya ang ilang mga concerned citizen hinggil sa nasabing ilegal na operasyon ng mga ito.

Naging positibo rin ang alegasyon ng mga "tipster" nang isang "pain" na nagkunwaring magpapa-abort sa mga suspect ang ginawang patibong ng pulisya, na nagbunga nga sa pagkakaaresto ng dalawang suspect. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments