2 preso dedo sa masikip na kulungan

Dahil sa sobrang siksikan ng kulungan ay dalawang preso ng Pasig City detention cell ang magkasunod na namatay matapos makaramdam ng paninikip ng dibdib dahil sa hirap ng paghinga.

Napag-alaman na sa tatlong kulungan sa loob ng Pasig Police headquarters ay umaabot na sa 80 preso ang nakapiit na dapat sana ay 30 katao lamang o sampung preso sa isang kulungan.

Napag-alaman na unang isinugod at namatay sa Rizal Medical Center noong Agosto 11 ang presong si Michael Hemar, 25, sinundan naman ito ni Alvin Tolentino, 27 na namatay sa pagamutan noong Agosto 13 dahil sa sobrang paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga.

Ang nasabing insidente ay ikinabahala ni Seniorr Supt. Francisco Uyami Jr., hepe ng Pasig Police na nakatakdang humingi ng tulong sa lokal na pamahalaang lungsod upang makapagpagawa ng panibagong kulungan sa loob din ng nasabing gusali upang maiwasang maulit ang pangyayari.

"Talagang crowded na ang jail at banta sa kalusugan ng mga preso" dagdag pa ni Uyami.

Bukod sa paghiling ng panibagong kulungan ay agad ding ipinalilinis ni Uyami ang tatlong kulungan upang matanggal ang masamang amoy na hinihinalang sanhi rin ng pagkakasakit ng mga bilanggo. (Edwin Balasa)

Show comments